Panimula 💓
Magandang umaga sa lahat!
Napagdesisyunan kong gumawa ng blog dahil pakiramdam ko mas mailalabas ko dito ang aking mga saloobin imbes na sa ibang social media platform na sobrang toxic na at madalas pakiramdam ko, hindi naman lahat ng nandun concern sa'yo, baka nga ikaw pa ang tampulan ng chismis sa ibang messenger group/app na hindi ka kabilang.
Pinili kong dito magsulat sapagkat mas masasabi ko lahat ng aking saloobin nang walang alalahanin na baka maging tampulan ako ng tukso ng mga kaibigan o ng mga kamag-anak na may ibang pananaw. Isa sa pinakagusto kong linya sa libro ni Bob Ong ang linyang "Dahil sa pagsusulat, masasagi mo ang mga matatayog na egotismo ng ibang tao. Matatapakan mo ang mga lumpong paa ng kasalukuyang sistema. At maiistorbo mo ang siesta ng lipunang masaya na sa mga paniniwalang kinagisnan nito." Minsan na akong napahawak dahil inilihad ko ang aking saloobin sa hindi pantay na pagtrato sa aming departamento, ngunit ang mga katulad kong ordinaryong indibidwal na walang posisyon sa organisasyon ay tila ba 'gang walang karapatang magreklamo. Susupilin ng mga nasa posisyon ang ano mang ibabatong paratang sa kanila huwag lang malaman ng nakakarami ang bulok na sistema. Wala akong sinulat na personal na atake laban sa mga nasa posisyon bagkus binatikos ang sistemang nakasanayan na. Masakit isiping mas pinahalagahan nilang huwag madungisan ang kanilang mga pangalan kaysa pakinggan ang aming hinaing. At sa murang edad kong iyon, iminulat ng pangyayaring iyon ang aking mga mata na hindi lahat ng nasa posisyon ay kayang makinig sa nais mong ipabatid.
Labing dalawang (12) taon na mula nang mangyari iyon, pero hindi ko pa rin mawaglit sa isipan ko kung gaano ako nasaktan ng pangyayaring iyon. Nakaukit sa isipan ko ang bawat detalye, ang bawat taong kumausap sa akin dahil sa isyung 'yon. Ang mga mapanghusgang mata noong kasagsagan ng isyu. Hindi ko rin makakalimutan iyong guro ko na nagkanulo sa akin. Siya ang unang taong pinagkatiwalan kong magbasa ng saloobin ko at binigyan ko ng link para mabasa iyong sinulat ko at siya rin ang unang nagsumbong sa mga taong involve. My first taste of betrayal.
Sa mga panahong ito ko napatunayan kung sino ang aking mga tunay na kaibigan. Naalala ko pa kung gaano katagal silang naghintay sa akin habang ako ay pinapagalitan ng mga nasa taas. Hindi ako umiyak sa harap ng mga taong gahaman sa posisyon. Ngunit tumangis ako sa harap ng mga kaibigan ko sapagkat ang bigat ng pasanin ko nung mga panahong iyon. Inako ko lahat ng responsibilidad huwag lang silang madamay. Ngayon, isang alaala na lang iyon ng aming nakaraan.
And yes, 12 years later I'm still friends with them. May nakapagsabi sa akin dati na ang mga tunay na kaibigan madalas makikilala mo ang mga iyan kapag nasa kolehiyo ka na. Ang swerte ko sapagkat nakilala ko nga sila.
Oh siya, masyado nang napahaba ito. Sa susunod na post, ikukwento ko naman ang hayskul life vs college life. Wala lang, gusto ko lang magkwento. Sa mga walang magawa tulad ko, sana magkaroon kayo ng panahon na basahin itong aking mga mumunting kwento.
Hanggang sa muli!
Ordinaryong milenyal ❤
Comments
Post a Comment